top of page

Karamihan sa kabataang respondents, may “average skills” sa pagkilala ng fake news

Duterte supporters, mas naniniwala sa fake news



QUEZON CITY – Mahigit kalahati o 52.5% ng mga kabataang respondents ang nakakuha lamang ng anim hanggang walong tamang sagot o average score na 6.9 sa isang 10-item fake news quiz, ayon sa pag-aaral na inilabas ng Boses, Opinyon, Siyasat, at Siyensya para sa Pilipinas (BOSES Pilipinas) nitong Miyerkules.

“Overall, we can conclude based on these figures that our students only have average skills in identifying fake news,” pahayag ni BOSES Pilipinas convenor Dr. Imelda Deinla sa isang online press conference.

Bukod sa fake news quiz, itinanong din sa survey kung gaano ka-kumpiyansa ang mga kabataan sa kanilang kakayahan na makakilala ng fake news.

Mahigit kalahati o 63% ng mga kabataang sumagot sa survey ang nagsabing medyo kumpiyansa sila sa pagkilala ng fake news. Pero nang sagutan na nila na fake news quiz, nakakuha lamang sila ng average score na 6.9 sa 10-item test. Samantala, ang 23% naman na nagsabi na sobrang kumpiyansa sila sa kanilang kakayahan ay nakakuha ng average score na 7.2. Nakakuha naman ng average score na 6.5 ang 13% na nagsabing hindi sila masyadong kumpiyansa sa kanilang kakayahan, habang 5.7 naman ang nakuhang average score ng 1% na nagsabing hindi talaga sila kumpiyansa sa kanila kakayahan na makakilala ng fake news. (Note: Tignan ang PVV: YE Round 2 explainer dito para sa kumpletong resulta)

“There is a big mismatch between the students’ perceived ability in identifying fake news from real news, and their actual performance in the face of fake news. This means, their confidence did not translate in their ability when they answered the quiz,” paliwanag ni Dr. Deinla.

Mahigit dalawampung libong (20,000) estudyante na puwedeng bumoto sa susunod na halalan mula sa dalawampu’t limang (25) kolehiyo at unibersidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang lumahok sa second round ng Pinoy Voters’ Vibe: Youth Edition (PVV) surveys na isinagawa mula Agosto 23 hanggang Septyembre 24, 2021.

Ayon kay Dr. Deinla, pangalawang round na ito ng PVV surveys. Paliwanag niya, kinukumpirma ng pangalawang round ang naging resulta ng unang round na may parehong konklusyon. Ang naunang round ng PVV surveys ay isinagawa mula May 17 hanggang June 24, 2021 at nilahukan ng 7,744 respondents mula sa 18 unibersidad at kolehiyo.

Ang PVV surveys ay gumagamit ng isang bagong fake news quiz na naglalaman ng mga Facebook posts na nagpapakita ng mga litrato na may kasamang quotes na diumano’y mula sa mga piling miyembro ng gabinete ng kasalukuyang administrasyon. Kailangang sagutin ng mga estudyante kung sa tingin ba nila ay totoo o peke ang mga litrato. Gumamit ang BOSES Pilipinas ng snowball sampling methodology na isang non-probability survey sampling technique.


Duterte supporters, mas naniniwala sa fake news

Nagsagawa rin ng mas malalim na pag-aaral ang BOSES Pilipinas base sa resulta ng unang round ng PVV surveys. Isa sa mga sinuri ng BOSES Pilipinas ay ang ugnayan sa pagitan ng political polarization at kakayahan na makakilala ng totoo at pekeng balita.

Ang political polarization ay ang panandaliang pagkakahati-hati ng suporta ng mga mamamayan sa pagitan ng dalawang paksyon sa pulitika. Huling nakita noong nagkaroon ng People Power movement sa pagitan ng mga dating pangulo na sina Gloria Arroyo at Joseph Estrada, muling nakakita ang BOSES Pilipinas ng pagkakahati-hati sa pulitika sa pagitan nina Pangulong Duterte at mga kaalyado nito, at mga pulitiko na nasa oposisyon sa pangunguna ni Bise Presidente Leni Robredo.


Ayon sa resulta ng pag-aaral, ang mga kabataang respondents na sumusuporta sa administrasyong Duterte ay higit na maaaring maniwala sa fake news at hindi maniwala sa mga totoong balita kumpara sa mga sumusuporta sa oposisyon. Samantala, ang mga respondents naman na sumusuporta sa oposisyon ay mas may kakayahang makakilala kung ano ang real news at kung ano ang fake news.