top of page

Karamihan sa kabataang respondents, may “average skills”sa pagkilala ng fake news

Duterte supporters, mas naniniwala sa fake news



QUEZON CITY – Mahigit kalahati o 52.5% ng mga kabataang respondents ang nakakuha lamang ng anim hanggang walong tamang sagot o average score na 6.9 sa isang 10-item fake news quiz, ayon sa pag-aaral na inilabas ng Boses, Opinyon, Siyasat, at Siyensya para sa Pilipinas (BOSES Pilipinas) nitong Miyerkules.

“Overall, we can conclude based on these figures that our students only have average skills in identifying fake news,” pahayag ni BOSES Pilipinas convenor Dr. Imelda Deinla sa isang online press conference.

Bukod sa fake news quiz, itinanong din sa survey kung gaano ka-kumpiyansa ang mga kabataan sa kanilang kakayahan na makakilala ng fake news.

Mahigit kalahati o 63% ng mga kabataang sumagot sa survey ang nagsabing medyo kumpiyansa sila sa pagkilala ng fake news. Pero nang sagutan na nila na fake news quiz, nakakuha lamang sila ng average score na 6.9 sa 10-item test. Samantala, ang 23% naman na nagsabi na sobrang kumpiyansa sila sa kanilang kakayahan ay nakakuha ng average score na 7.2. Nakakuha naman ng average score na 6.5 ang 13% na nagsabing hindi sila masyadong kumpiyansa sa kanilang kakayahan, habang 5.7 naman ang nakuhang average score ng 1% na nagsabing hindi talaga sila kumpiyansa sa kanila kakayahan na makakilala ng fake news. (Note: Tignan ang kalakip na PVV Round 2 explainer para sa kumpletong resulta)

“There is a big mismatch between the students’ perceived ability in identifying fake news from real news, and their actual performance in the face of fake news. This means, their confidence did not translate in their ability when they answered the quiz,” paliwanag ni Dr. Deinla.

Mahigit dalawampung libong (20,000) estudyante na puwedeng bumoto sa susunod na halalan mula sa dalawampu’t limang (25) kolehiyo at unibersidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang lumahok sa second round ng Pinoy Voters’ Vibe: Youth Edition (PVV) surveys na isinagawa mula Agosto 23 hanggang Septyembre 24, 2021.

Ayon kay Dr. Deinla, pangalawang round na ito ng PVV surveys. Paliwanag niya, kinukumpirma ng pangalawang round ang naging resulta ng unang round na may parehong konklusyon. Ang naunang round ng PVV surveys ay isinagawa mula May 17 hanggang June 24, 2021 at nilahukan ng 7,744 respondents mula sa 18 unibersidad at kolehiyo.

Ang PVV surveys ay gumagamit ng isang bagong fake news quiz na naglalaman ng mga Facebook posts na nagpapakita ng mga litrato na may kasamang quotes na diumano’y mula sa mga piling miyembro ng gabinete ng kasalukuyang administrasyon. Kailangang sagutin ng mga estudyante kung sa tingin ba nila ay totoo o peke ang mga litrato. Gumamit ang BOSES Pilipinas ng snowball sampling methodology na isang non-probability survey sampling technique.


Duterte supporters, mas naniniwala sa fake news

Nagsagawa rin ng mas malalim na pag-aaral ang BOSES Pilipinas base sa resulta ng unang round ng PVV surveys. Isa sa mga sinuri ng BOSES Pilipinas ay ang ugnayan sa pagitan ng political polarization at kakayahan na makakilala ng totoo at pekeng balita.

Ang political polarization ay ang panandaliang pagkakahati-hati ng suporta ng mga mamamayan sa pagitan ng dalawang paksyon sa pulitika. Huling nakita noong nagkaroon ng People Power movement sa pagitan ng mga dating pangulo na sina Gloria Arroyo at Joseph Estrada, muling nakakita ang BOSES Pilipinas ng pagkakahati-hati sa pulitika sa pagitan nina Pangulong Duterte at mga kaalyado nito, at mga pulitiko na nasa oposisyon sa pangunguna ni Bise Presidente Leni Robredo.


Ayon sa resulta ng pag-aaral, ang mga kabataang respondents na sumusuporta sa administrasyong Duterte ay higit na maaaring maniwala sa fake news at hindi maniwala sa mga totoong balita kumpara sa mga sumusuporta sa oposisyon. Samantala, ang mga respondents naman na sumusuporta sa oposisyon ay mas may kakayahang makakilala kung ano ang real news at kung ano ang fake news.

“This finding is not new. This behavior is likewise observed among the Republican supporters in the United States. It is possible that these ‘partisan’ tendencies to fall for misinformation is a product of the same disinformation networks (i.e. individuals or groups that spread fake news) that both Duterte and Republican supporters are exposed to or because of the possible impact of constant or high exposure to fake news being the new normal, thus to regard facts in a different way,” paliwanag ni Dr. Deinla.

“We found in this research that those who have high exposure to fake news also have lower odds in identifying fake news,” dagdag pa niya.

Sa pagsasagawa ng pag-aaral, tinanong ang mga respondents na iskoran kung gaano sila ka-apruba sa ilang mga opisyal ng gobyerno kasama na si Pangulong Rodrigo Duterte at si Pangalawang Pangulo Leni Robredo. Ginamit ang approval ratings na ito para kalkulahin ang antas ng political polarization ng mga respondents. Sa pamamagitan ng Binominal Regression, nakita ng BOSES Pilipinas ang ugnayan ng political polarization o pagkakahati-hati ng pananaw sa pulitika ng mga kabataan sa kakayahan nila na makakilala ng fake news. (Note: Tignan ang kalakip na Working Paper para sa kumpletong methodology).

Mga nagsabing boboto sa eleksyon, mas nakakakilala ng real news

Gamit naman ang resulta ng second round ng PVV surveys, sinuri rin ng BOSES Pilipinas ang ugnayan sa pagitan ng kakayahan ng mga respondents na makakilala ng fake news at real news, at ang interes nila na bumoto sa susunod na eleksyon.

Ayon sa resulta, ang 72% na respondents na nagsabing boboto sila sa 2022 ang nagpakita ng pinakamahusay na na kakayahan na makakilala ng real news. Nakuha nila ang pinakamataas na average score na 7 out of 10 sa fake news quiz. Samantalang ang 1% o 215 na sumagot ng survey na nagsabing hindi sila boboto sa 2022 ay nakakuha lamang ng average score na 6.3. (Note: tignan ang kalakip na PVV Round 2 explainer para sa kumpletong resulta)

“This means that those who are politically engaged – especially those intent on voting, would actively seek a variety of good information, and are therefore more likely seeking real news. However, those who are good at detecting fake news are not necessarily the ones very keen on voting,” paliwanag ni Dr. Deinla.

“This also means that seeing or seeking real news can stimulate political awareness and engagement. Detecting fake news by itself, has no effect on political engagement, unless this is accompanied by seeing real news,” dagdag pa niya.

Nakatakdang maglabas ng mas malalim na pag-aaral ang BOSES Pilipinas sa paksang ito sa susunod na taon.


Mas malakas na tiwala sa Facebook, mas mahinang pagkilala ng fake news

Lumalabas din sa pagsusuri sa resulta ng second round ng PVV surveys na maaaring makaapekto sa kakayahan ng isang tao na makakilala ng fake news at real news ang mga pinagkakatiwalaan nitong media platforms o ang pinagkukunan nito ng balita. Ayon sa pag-aaral ang mga respondents na nagtitiwala at kumukuha ng impormasyon sa Facebook ay may mas mahinang kakayanan na makakilala ng fake news.

Nakakuha lamang ng average score na 5.7 out of 10 ang dalawang porsyento o 384 sa mga respondents ang nagsabi na talagang mapagkakatiwalaang source of information ang Facebook. Samantala, nakakuha naman ng average score na 7.2 out of 10 ang 26% o 6,388 respondents na nagsabi na hindi mapagkakatiwalaang source of information ang Facebook. Ipinapakita nito na mas may kakayahan silang makakilala ng fake news sa real news. (Note: tignan ang kalakip na PVV Round 2 explainer para sa kumpletong resulta)

“Various studies show that respondents who trust mainstream media are less likely to believe in fake news and engage in conspiratorial thinking. They are predisposed to believe in “official” versions of an event compared to personal or exaggerated accounts online,” sabi ni Dr. Deinla.

“Meanwhile, trust in social media and Facebook are shown to impair one’s ability to detect misinformation. Users who are predisposed to believe information that mirrors their sentiments are more exposed to misinformation networks online.”

“The Philippine youth are now immersed in an environment, perhaps a culture, of fake news. If we want to create a better future for our youth – one who knows the truth, who can judge between right from wrong, who can trust institutions - then we will need a collective effort to overcome this information pandemic,” dagdag pa ng BOSES Pilipinas convenor.


BOSES Pilipinas, inilunsad ang Fake News Challenge ng Bayan


Kaakibat ng layunin ng BOSES Pilipinas na tulungang maging mas maalam ang mga Pilipinong botante, inilunsad nito ang online fake news quiz o web application na ‘What the Fake?!: Ang Fake News Challenge ng Bayan.’


Ang What The Fake ay ang kauna-unahang university-based web application na layong makatulong sa lahat ng mga botante para masukat ang kanilang kakayahan sa pagkilala kung ano nga ba ang fake news at real news lalo na ngayong papalapit na ang susunod na eleksyon.


“Ibig sabihin nito ay hindi lang limitado sa mga kabataan ang pwedeng sumagot ng web app na ito, kung hindi lahat ng mga kababayan natin na nasa tamang edad na para makaboto and at the same time, gustong suriin ang sarili nila kung gaano sila ka-vulnerable sa fake news,” paliwanag ni Dr. Deinla.


“The very heart of What the Fake?! is to help others fight misinformation and disinformation and at the same time, to prepare them for the 2022 elections by testing if their judgment in identifying fake news from real news is impaired or not. Masasagutan ang What the Fake?! sa loob lang ng humigit-kumulang limang minuto!”


Subukan mo na Fake News Challenge ng Bayan! Maaaring ma-access ang online fake news quiz sa pamamagitan ng link na ito: www.inclusivedemocracy.ph/fakenewschallenge.

Comments


bottom of page